Mga militanteng grupo nakatikim ng sermon sa pangulo

Inquirer file photo

Makaraan ang lampas sa dalawang oras na State of the Nation Address (SONA) ay kaagad na lumabas sa Batasan Pambansa Complex ang si Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ng pangulo na dapat magrespetuhan sila ng mga ralyista at ng mga makakaliwang grupo.

“Walang problema sa akin kung sisigawan ninyo ako dahil pulitiko ako…hindi ako takot..pero kung gusto ninyong mag-usap tayo dapat magrespetuhan tayo”, ayon sa pangulo.

Ayon pa kay Duterte, “Huwag ninyo akong daanin sa mga para-rally rally ninyo….kung gusto ninyo akong kausapin pumunta kayo sa Malacañang.

Sinabi rin ng pangulo na hindi siya natatakot na humarap sa mga ralyista at hinamon pa niya ang mag ito na maglabas ng armas kung sino ang matapang sa hanay ng mga militante.

Habang nagsasalita ang pangulo ay sumisigaw naman ang mga miyembro ng iba’t ibang mga militanteng grupo na dapat ay ituloy ang peace talks.

Sa kanyang ikalawang SONA kanina, sinabi ng pangulo na ititigil na niya ang pakikipag-usap sa mga komunista lalo na sa isyu ng peace talks.

Pinayuhan rin niya ang mga militanteng grupo na umuwi na lamang at huwag nang makinig pa sa mga sinasabi ng kampo ni CPP Founding Chairman Joma Sison.

Read more...