Sa ilalim kasi ng Memorandum Order 04-2017, kailangan ng mga Overseas Filipino workers (OFW) na ilista ang lahat ng mga nilalaman ng kanilang balikbayan boxes na ipadadala sa Pilipinas.
Naniniwala si Faeldon na hindi ito masyadong magdudulot ng abala sa mga OFW dahil posibleng hindi pa abutin ng isang oras ang paglilista nila ng kanilang mga ipadadala.
Maraming netizens kasi ang nagreklamo sa patakarang ito dahil kailangan pang isama sa listahan ang estimated o aktwal na presyo ng mga ipadadalang bagay.
Gayunman, nilinaw ng Customs na kailangan lang ang resibo kung mayroon talagang resibong kasama ang bagay na binili, pero kung wala naman ay kahit estimated value na lang.
Paliwanag ni Faeldon, ginagawa lang nila ito upang maprotektahan ang mga OFW sa mga masasamang loob na posibleng gamitin ang mga balikbayan boxes sa smuggling.
Mayroon na kasing mga smugglers na gumagamit ng pangalan ng mga madalas magpadala ng balikbayan boxes, upang makapagpadala ng mga kontrabando.
Siniguro naman ni Faeldon na walang magaganap na pagbubukas ng balikbayan boxes, at na umaasa sila sa pagiging tapat ng mga OFWs.