Magbibigay ng libreng sakay sa mga pasahero ang mga lokal na pamahalaan ng Valenzuela City at Taguig City, dahil sa transport strike na posibleng maganap ngayong araw, July 24.
Sa Facebook post ng Valenzuela City government, mag-aalok sila ng libreng sakay trucks sa mga ruta ng McArthur Highway mula sa Malanday hanggang sa Monumento at pabalik.
Gayundin sa ruta ng Maysan patungong Paso de Blas, Karuhatan hanggang Ugong, MH del Pilar street sa Malanday hanggang Polo, Sangandaan hanggang Polo, at Polo hanggang Monumento a t pabalik.
Magsisimula ang pagbiyahe ng mga naturang libreng sakay alas-6:00 ng umaga.
Samantala sa Taguig naman, itinalaga ng kanilang lokal na pamahalaan ang mga sumusunod na dropoff at pickup points:
1. Pio Felipe in Brgy Hagonoy (biyaheng Pasig hanggang Bagumbayan at pabalik)
2. Market Market (biyaheng Market Market patungong FTI at pabalik)
3. Petron sa Brgy Ibayo-Tipas (biyaheng Pasig-Tipas)
4. CP Teresa Elementary School
5. RP Cruz Elementary School
6. Tipas Elementary School
7. Jollibee Lower Bicutan (biyaheng Bagumbayan- Pasig)
8. Water Fun patungong Market Market
9. Water Fun patungong DOST
10. Gate 3 patungong BGC
11. Bayani Road patungong BGC
Magsisimula rin ang libreng sakay sa mga sasakyang may signage na “Libreng Sakay” sa Taguig ganap na alas-6:00 ng umaga.
Samantala, kinansela naman ng lokal na pamahalaan at mga unibersidad ang klase sa Albay para sa araw na ito dahil na rin sa transport strike na inaasahang isasagawa sa Bicol region na isasabay sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Nag-anunsyo na ng class suspension ang Legazpi City, Tabaco City at Sto. Domingo sa lahat ng levels, private at public.
Suspendido na rin ang klase sa Aquinas University of Legazpi, Divine Word College of Legazpi at Bicol University.