Vice Gov. ng ARMM, humingi ng tulong sa Kongreso para makauwi na ang mga Maranao

 

Nananawagan si Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Vice Gov. Haroun Al-Rashid Lucman Jr. sa Kongreso na tulungan ang mga lumikas na Maranao na makabalik sa Marawi City.

Sasabihin sana ito ni Lucman sa ginanap na special session sa Kongreso noong Sabado, ngunit dahil hindi siya nagkaroon ng pagkakataon na gawin ito, ibinahagi na lang ito ng kaniyang anak sa Facebook.

Ayon kay Lucman, “repressive, abusive and dehumanizing” para sa kanila ang martial law, na katulad rin ng naranasan nila noong rehimen ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Gayunman, nilinaw ni Lucman na sinusuportahan naman ng ARMM ang mga kampanya ng militar laban sa mga terorista sa Marawi City.

Aniya pa, umabot na sa 527,000 ang mga internally-displaced people base sa datos ng National Emergency Operations Center.

Lampas na aniya ito sa bilang ng mga residente ng Marawi City na nasa 207,000 lamang.

Paliwanag ni Lucman, wala siyang problema sa martial law dahil alam naman niya ang mga karapatan niya sa ilalim ng pag-iral nito.

Ngunit nagsisilikas na aniya ang kanilang mga tao sa pinakamalayong lugar na kaya nilang tahakin para lamang makalayo sa martial law na kanilang kinatatakutan.

Mahirap na aniya para sa kanilang mga residente ang pagiging internally-displaced persons, na nadaragdagan pa ng hirap sa paninirahan sa lugar na hindi naman nila tahanan kung saan napagkakamalan pa silang terorista.

Kaya naman nanawagan siya sa mga mambabatas na kung anuman ang kanilang maging desisyon, sana ay damhin rin nila ang mga sentimyento ng mga taga-Lanao dahil nais na nilang umuwi.

Pinayagan ng mga mambabatas noong Sabado ang pagpapalawig sa martial law.

Read more...