Ginagamit na armas ng Maute group sa Marawi, tila hindi nauubos

Tila hindi nauubos ang mga armas na ginagamit ng Maute terror group sa pakikipagbakbakan sa tropa ng pamahalaan sa Marawi City.

Ito ang naging pahayag ng isang sugatang sundalo na humarap sa isinagawang joint special session ng Senado at Kamara ukol sa Martial Law extension.

Ayon kay 1st Lt. Kent Fagyan, kung ikukumpara sa mga nakaraang engkwentro ng militar sa Maute ang bakbakan sa Marawi, mas malakas ngayon ang grupo.

Aniya, upgraded ang mga ginagamit na armas ng teroristang grupo sa kaguluhan sa Marawi.

Marami aniya silang hawak na 50 caliber na baril, at maging mga radio frequency scanner.

Dagdag ni Fagyan, meron din ginagamit na drones ang Maute, at tila ‘unlimited’ o hindi nauubos ang kanilang mga bala.

Sinabi ni Fagyan na ibinatay niya ang kanyang assessment sa karanasan niya sa Zamboanga siege noong September 2013 at isinagawang raid ng Maute sa Butig, Lanao del Sur noong November 2016.

Ang 29-year-old na sugatang sundalo ay iniharap ni Executive Secretary Salvador Medialdea sa joint special session ng Senado at Kongreso.

Naging emosyunal naman ang iba pang mambabatas nang ikuwento ni Fagyan ang kanyang karanasan sa nagpapatuloy na kaguluhan sa Marawi City.

Read more...