Inaprubahan na ng mga Senador at Kongresista ang pagpapalawig ng martial law sa Mindanao hanggang December 31, 2017.
Sa kabuuang botong 261-yes; 18-no; at 0-abstention, pormal nang inaprubahan ng Mataas at Mababang Kapulungan ang martial law extension.
Bago ito, pasado alas-tres ng hapon ay nagmosyon si Senador Gringo Honasan na aprubahan ang isinusulong na pag-extend ng batas militar hanggang sa katapusan ng taon, na alinsunod na rin pagnanais ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ipinaliwanag ni Honasan ang pangangailangan ng martial law extension.
Pero sa interpelasyon ni Senador Franklin Drilon, nais niya na palawigin lamang ang martial law hanggang animnapung araw lamang, at hindi limang buwan.
Katwiran ni Drilon, hindi naman daw kawalang pagrespeto sa presidente kung magtakda ng duration ng naturang ekstensyon ng batas militar.
Sa kasagsagan ng interpelasyon, pumagitna si Senador Tito Sotto at sinabing kailangang resolbahin muna ang mosyon ni Honasan, bago pagbotohan ang gustong amyenda ni Drilon.
Sa huli, natalo ang Drilon amendment, at sinimulan na ni House Majority Leader Rodolfo Farinas ang pag-isponsor sa panukala.
Pinagbigyan din sina ACT PL Rep. Antonio Tinio at Albay Rep. Edcel Lagman na ilahad ang kanilang pagtutol sa martial law declaration.
Pagkatapos nito ay nagkaroon ng roll call ang Senado para sa nominal voting.
At sa botong 16-yes; 4-no at 0-abstain, lusot sa Senado ang martial law extension hanggang December 31, 2017.
Sa panig naman ng Kamara, aprubado na rin ang resolusyon sa botong 245-yes; 14-no; at 0-abstain.