Yan ang apela ni Joint Task Force Marawi Spokesperson Lt. Col. Jo Ar Herrera sa mga nagpa-planong mag-martsa papasok ng Marawi City sa araw ng State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes (July 24).
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Herrera na ‘valid’ ang gustong ipahiwatig na damdamin ng mga residente ng Marawi City na naaapektuhan ng bakbakan sa pagitan ng mga sundalo at Maute terror group.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang mga pakikipag-usap sa mga traditional leader at lokal na pamahalaan.
Pero ani Herrera, bilang miyembro ng security sector ay masasabi niyang hindi pa ligtas na pumasok ang mga sibilyan sa loob ng Marawi City at magsagawa ng aktibidad.
Ayaw din aniya ng pamahalaan na may masaktan o mamatay pa lalo’t hindi pa natatapos ang military operations sa loob ng Marawi City.
Sa katunayan aniya, bagama’t may mga deklaradong cleared areas na, mayroon pa rin umano silang nadidiskubreng IEDs.
Kung sinuman ang nag-uudyok ng matsa, sinabi ni Herrera na tingnan ang ‘greater good and welfare’ ng mas nakararaming tao.
Dagdag pa nito, kailangang unawain ang consequences na maaaring mangyari sakaling matuloy ang umano’y balak na martsa.
Hindi rin aniya tiyak kung sasaluhin ng nag-uudyok ng martsa ang responsibilidad, sakaling may mga mapahamak.
Sa bandang huli, sinabi ni Herrera na sa gitna ng krisis sa Marawi City, ito panahon na walang political at social divide, at sa halip ay magkaisa upang malabanan ang mga kalaban ng estado.