Peacetalks sa NDFP, tinuldukan na ni Duterte

Nagpasya si Pangulong Rodrigo Duterte na abandonahin na ang peace negotiations sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Sa kaniyang pagsasalita sa isang pagtitipon sa Davao City, sinabi ni Duterte na hindi naman na interesado ang NDFP sa peace talks dahil sa patuloy nitong pagpuna sa pamahalaan at ang sunod-sunod na pananambang ng New People’s Army’s (NPA) sa tropa ng pamahalaan.

Sinagot din ni Duterte ang pahayag ni Communist Party of the Philippines (CPP) founding chairman Jose Maria Sison na nagsabing dapat nang itigil ang peace talks bunsod ng pag-iral ng martial law.

Ayon kay Duterte, tama si Sison na dapat nang itigil ang pag-uusap at sa halip ay maglaban na lamang muli.

“That was 50 years ago. Let us renew the fighting for another 50 years. Anyway, all of us will not see the light of day on this revolution of yours,” ayon sa pangulo.

Pinasusuko na rin ni Duterte ang mga consultant ng NDFP na nabigyan ng pansamantalang kalayaan dahil kalahok sila sa peace talks.

“They have to surrender or we will hunt them down. I am sorry, please do not resist because magkagulo tayo niyan if you resist with a firearm or with a violence there. Do not resist. Surrender. Kasi ang usapan natin i-release kayo conditionally so that you can participate in the talks and you can make it successful because your presence is needed,” ayon sa pangulo.

Ayon sa pangulo, dapat ay kusa na lamang sumuko ang mga ito at kung hindi ay tutugisin sila ng pamahalaan.

Nadismaya ang pangulo sa magkakasunod na pag-atake ng NPA sa tropa ng gobyerno kamakailan.

Hindi ito ang unang pagkakataon na kinansela ng pangulo ang usapang pangkapayapaan sa mga rebelde komunista.

Noong Pebrero ay tinanggal nito ang unilateral ceasefire at peace talks matapos sabihin ng mga rebelde na tinatapos na nila ang unilateral ceasefire.

Una nang sinabi ng pangulo na hindi magkakaroon ng kapayapaan sa mga komunista sa kasakuluyang henerasyon.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...