Naglabas ng ulat ang isang think tank at sinabing mas marami pang pag-atake ang magaganap sa Southeast Asia, kasunod ng pag-atake sa Marawi City.
Ayon kay Sidney Jones, director ng Institute of Policy Analysis of Conflict (IPAC), hindi magtatapos ang paghahasik ng terorismo kahit mapagtagumpayan pa ng security forces ng Pilipinas ang IS inspired group sa marawi.
Mananatili aniya ang banta ng terorismo sa mga kalapit na bansang Malaysia at Indonesia.
“Indonesia and Malaysia will face new threats in the form of returning fighters from Mindanao, and the Philippines will have a host of smaller dispersed cells with the capacity for both violence and indoctrination,” Ayon kay Jones.
Ayon kay Jones, kapag natapos na ang bakbakan sa Marawi, sunod na hakbang ng Southeast Asian ISIS leaders ay ang hikayatin ang kanilang mga tagasunod na maglunsad ng pag-atake laban sa mga dayuhan o foreign institutions.
Kaugnay nito, sinabi ni Indonesian Police spokesman Setyo Wasisto na nagtaas na sila ng alerto at patuloy ang pag-monitor sa mga mamamayan nilang bumabalik sa bansa galing ng Pilipinas lalo na kung galing sa Marawi.
Nauna na kasing napaulat na mayroong 20 Indonesian militants na kasamang nakikipagbakbakan sa Marawi City.