Ipinagtanggol ni Pastor Boy Saycon ng Council on Philippine Affairs (COPA) ang pagpunta niya at ng ilang mga personalidad sa naganapna kilos-protesta ng Iglesia ni Cristo sa EDSA.
“Hindi nila kami dapat tawaging mga oportunista o nakikisakay sa isyu dahil nagpunta kami doon para sumuporta sa makatwirang pagkilos ng mga kasamahan natin sa INC”, paliwanag ni Saycon sa panayam ng Radyo Inquirer.
Ayon kay Saycon, ‘principled advocacy’ ang tawag sa kanilang mga hakbang na nagpapa-alala sa pamahalaan ng mga isyu na dapat nilang inuuna sa kanilang mga dapat tutukan.
“Maling-mali ang ginawa ni Justice Sec. Leila De Lima na nagpatawag ng presscon at doon sinabi ang mga kasong isasampa sa liderato ng INC, dapat ay iniakyat sa piskalya ang reklamo at hinayaan ang pag-usad nito bilang isang ordinaryong reklamo”, dagdag pa ni Saycon.
Bukod sa ilang opisyal ng COPA na kinabibilangan ni Saycon, present din sa INC rally sa EDSA sina dating Tarlac Gov. Tingting Cojuangco at ang ZTE deal whistle blower na si Jun Lozada.
Ipinaliwanag din ni Saycon na humanga siya sa ipinakitang disiplina ng mga INC members at ang pagiging masunurin nila sa mga direktiba ng kanilang pamunuan.