Tiniyak ni Moro National Liberation Front (MNLF) Founding Chairman Nur Misuari na hindi niya hahadlangan ang Bangsamoro Basic Law (BBL) sa pagitan ng pamahalaan at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi Presidential Adviser on the Peace Process Sec. Jess Dureza, na si Misuari mismo ang nangako kay Pangulong Rodrigo Duterte na hindi siya magiging hadlang sa anomang lalamanin ng kasunduan.
Noong July 18, nakipagpulong si Misuari kay Duterte sa Malakanyang.
Sa simula sinabi ni Dureza na namumrublema sila kung paanong pagsasamahin sa BBL ang mga naisin ng MILF at MNLF, lalo pa at batid naman nilang hindi magkasundo ang dalawang kampo.
Pero mismong si Misuari na aniya ang nagsabi na hindi siya magiging hadlang sa kasunduan.
“In the meeting of Misuari with the president in Malacanan, nagsabi na rin siyang hindi na sya makikilahok sa BBL ng MILF. Sabi ni Misuari, ‘I will not be a hindrance to that document (BBL),” ayon kay Dureza.
Sinabi rin umano ni Misuari na hihintayin na lamang niya ang federalism na una nang ipinangako ni Duterte.
Nangako din aniya ng suporta ang MNLF leader sa pamahalaan sa gagawing pagpapalit ng sistema ng gobyerno.