Mga planong pag-atake ng NPA bago ang SONA, inilahad ni Dela Rosa

Ibinunyag ni Philippine National Police (PNP) chief Director Gen. Ronald dela Rosa na may mga plano ang New People’s Army (NPA) na magsagawa ng mga pag-atake sa iba’t ibang bahagi ng bansa bago ang State of the Nation Address (SONA).

Dahil dito, sinabi ni Dela Rosa na nagbigay na siya ng direktiba sa mga commanders na bukod sa maging mapagmatyag, ay maging pro-active din, kasabay ng pakikipagtulungan sa Philippine Army kung mayroon man silang makitang mga miyembro ng NPA.

Ayon kay Dela Rosa, may plano ang NPA na magsagawa ng mga pag-atake hanggang sa makapag-SONA si Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes.

Sa kabila nito, tiniyak ng hepe ng PNP na ipinaalam na niya ito sa lahat ng mga ground commanders upang maging handa.

Iniutos na rin ni Dela Rosa ang mabilis na distribusyon ng 2,900 na mga rifles, at milyun-milyong bala mula sa China sa mga pulis na naka-talaga sa mga lugar kung saan talamak ang NPA.

Tinukoy ni Dela Rosa ang mga lugar ng Northern at Southeastern Mindanao, Cagayan Valley region partikular na ang Quirino Province, pati na ang Samar, Leyte, at Iloilo bilang mga lugar kung saan maraming rebelde.

Aniya, hindi niya hahayaan na magpatalo na lamang ang mga pulis o kaya ay madaig sila ng mga rebelde kaya ipinapamigay na niya agad ang mga armas sa mga ito.

Read more...