Hihilingin na ng Office of the Solicitor General (OSG) sa korte na ibalik sa kulungan ang mga pinalayang consultant ng National Democratic Front (NDF).
Kasunod ito ng kanselasyon ng back channel talks sa Europa sa maka-kaliwang rebelde matapos ang pag-atake ng mga miyembro ng New Peoples Army sa convoy ng Presidential Security Group sa Arakan, Cotabato.
Partikular na ipina-aaresto ni Solicitor General Jose Calida ang mga NDF consultant na may kinakaharap na kasong kriminal.
Ayon kay Calida, magsasampa siya ng mosyon sa korte para sa kanselahin ang piyansa ng mga consultant para ito ay maaresto at muling maipakulong.
Paliwanag ni Calida, ang pansamantalang kalayaan na ipinagkaloob ng korte sa mga NDF consultant ay may kondisyon kabilang ang otomatikong kanselasyon ng piyansa nito sa oras ipahinto ang negosasyon.
Kabilang sa mga NDF consultant na nakalaya dahil sa piyansa para makibahagi sa peace negotiation sina: Communist Party of the Philippines-New People’s Army leaders Benito at Wilma Tiamzon, na may kasong multiple murder at kidnapping charges sa Manila at Quezon City Regional Trial Courts.