Sa Republic Act 10927 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte, nakasaad na maari ng imbestigahan ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang mga casino kabilang ang kanilang internet at ship-based casino operations na magkakaroon ng transaksyon na lalagpas sa P500,000 sa loob ng isang banking day.
Saklaw din nito ang pag-iimbestiga sa mga single casino cash transaction na lalagpas ng P5 Million o katumbas nito sa ibang currencies.
Sa ilalim din ng amended version ng Anti-Money Laundering Act ay may kapangyarihan na ang AMLC na i-freeze ang pera at ari-arian sa casino na pinaghihinalaang mula o sangkot sa iligal na transaksyon o aktibidad, alinsunod na ilalabas na freeze order ng korte.
Tanging mga bangko lamang kasi ang saklaw ng batas at ng kapangyarihan ng AMLC kung ikukumpara sa dating batas.
Ang inamyendahang batas ay magiging epektibo labing limang araw matapos itong mailathala sa official gazette o sa mga pangunahing pahayagan.