Ilang terminal ng bus sa EDSA, permanente nang ipinasara dahil sa iba’t ibang paglabag

Kuha ni Jan Escosio

Permanente nang ipinasara ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang ilang terminal sa kahabaan ng EDSA.

Kasama ng MMDA at LTFRB ang mga tauhan ng  Business permits and Licensing Office ng Quezon City nang isagawa ang operasyon at isinilbi ang cease and desist order laban sa mga bus terminal.

Kabilang sa mga nasilbihan ng closure order ay ang Dimple Star bus sa main avenue sa Cubao dahil sa kakulangan nito ng pasilidad para mag-operate bilang terminal.

Ayon sa MMDA, mistulang isang malaking paradahan lamang ang lugar pero ginagawa itong terminal. Ang Dimple Star ay may biyaheng Antique, Capiz, Ilo-ilo, Romblon, Aklan at Mindoro.

Nadismaya naman ang mga pasaherong naghihintay sa terminal at nakabili na ng kanilang tickets pauwi sa mga lalawigan.

Ang terminal naman ng Roro Bus Transport sa EDSA-Santolan ay ipinasara din ng mga otoridad.

Wala umanong business permit ang nasabing terminal, walang sapat na sanitation facilities at kumportableng lugar para sa mga pasahero.

Ang terminal ng DLTB na unang pinuntahan ng team ay kusa nang isinara ng operator nito. Dati na kasing sinabihan ang nasabing terminal na hindi dapat nag-ooperate bunsod ng kawalan ng permit mula sa Quezon City Local Government.

Ang nasabing operasyon ay bahagi rin ng pagpapatupad ng nose-in nose-out policy ng MMDA at LTFRB sa EDSA.

Ang malilit na terminal ng bus ay nagdudulot umano ng traffic sa EDSA dahil hindi nakakapag-maniobra sa loob ng terminal ang kanilang bus kaya sa EDSA sila nagpapaliko.

Read more...