Inatasan na ng Toll Regulatory Board (TRB) ang Citra Central Expressway Corporation (CCEC) na magsumite ng incident report kaugnay sa naganap na pagguho ng beam sa ginagawang Skyway project 3 sa Osmeña Highway, Makati City.
Ayon kay TRB spokesperson Albert Suansing, base sa isusumiteng report ng CCEC, ay magsasagawa sila ng inspeksyon sa lugar na pinangyarihan ng insidente.
Aalamin din aniya ng TRB kung ang DM Consunji. Inc., (DMCI) na siyang humahawak sa Skyway extension project ay mayroong nakatalagang safety officer sa site nang mangyari ang pagguho ng beam noong Martes ng umaga.
Sinabi ni Suansing na kailangang masuri ang construction protocols sa proyekto. Partikular na aalamin kung mayroong hindi sinunod sa protocol habang ina-assemble ang rebars na naging dahilan ng pagbagsak nito.
Limang trabahador ang nagtamo ng minor injuries at mayroon ding dalawang sasakyan na tinamaan ng gumuhong beam.