Naniniwala ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na makakatulong sa kanila ang hiling ni Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin ang martial law sa Mindanao hanggang sa katapusan ng taong kasalukuyan.
Ayon kay AFP chief Gen. Eduardo Año, makakatulong ito para magampanan nila ang kanilang trabaho na tuluyang maitaboy ang mga Islamic State-inspired na terorista sa Marawi City.
Inihayag rin ni Año na inirekomenda ng mga liderato ng AFP ang pagpapalawig sa martial law, base na rin sa kasalukuyang sitwasyon sa Mindanao, partikular sa Marawi City.
Aniya, malaking tulong ang limang buwang extension para masupil nila ang banta ng terorismo sa Mindanao.
Kahapon ay nanawagan si Duterte sa Kongreso na palawigin ang martial law hangang December 31, 2017.
Gayunman, sinabi ni Año na maari namang bawiin ang martial law bago mag-December 31 kung mas maagang mapagtatagumpayan ng militar ang pagsupil sa mga terorista na nagpasimuno ng rebelyon.