Si Espenido ay dati ring nagsilbing hepe ng pulisya ng Albuera, Leyte, na nagbunyag ng mga pagkakasangkot umano nina Albuera Mayor Rolando Espinosa Sr. at anak nitong si Kerwin Espinosa sa kalakalan ng iligal na droga.
Ayon kay Supt. Lemuel Gonda na tagapagsalita ng Northern Mindanao Police Office, nakasaad sa Special Order 7072 na kanselado o isinasantabi muna ang 90-day suspension order kay Espenido.
Una nang sinuspinde ni Dela Rosa si Espenido dahil sa reklamong isinampa ni Ormoc City Mayor Richard Gomez laban sa kaniya.
Noong 2016 kasi ay sinabi ni Espenido na may koneksyon si Gomez sa kalakalan ng iligal na droga na kinasasangkutan nina Mayor Rolando at Kerwin Espinosa.
Mariin itong itinanggi ni Gomez, kaya inireklamo niya si Espenido.
Samantala, sa panayam ng Philippine Daily Inquirer kay Espenido, hindi niya pa nakukuha ang kopya ng kanselasyon ng kaniyang suspension order, pero handa naman siyang sumunod sa utos ng mga kinauukulan.