Pinayuhan na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga residenteng nakatira malapit sa pinangyarihan ng mga landslide sa Leyte, na lumikas na agad.
Ilang lugar kasi sa Leyte ang nakaranas ng landslide matapos ang pagtama ng magnitude 6.5 na lindol doon halos dalawang linggo na ang nakalilipas.
Ayon kay DENR Region 8 Director Leonardo Sibbaluca, nananatili kasing mataas ang banta ng pagguho ng lupa sa mga naturang lugar dahil sa kalidad ng lupa doon.
Pawang volcanic soil aniya kasi ang mga lupa sa mga lugar kung saan nangyari ang mga landslides, kaya madaling gumuho ang mga ito.
Dahil dito, matindi ang panawagan ng mga kinauukulan sa mga residente na lumikas na sa mas ligtas na lugar kaysa malagay sa alanganin ang kanilang buhay.