Patakaran sa pag-iisyu ng iDOLE ID, pinaplantsa na

Pinaplantasa na ng Department of Labor and Employment ang patakaran sa pag-iisyu ng iDOLE card para sa mga overseas Filipino workers.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre H. Bello III, malapit na nila itong ilabas nang sa gayon ay maipalathala na ito.

Kung maaalala, sinabi ni Bello na ang iDOLE ay “best gift” ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa OFWs.

Sa pamamagitan daw kasi nito, mas bibilis na ang transaksyon sa gobyerno at pribadong ahensiya para sa kanilang pagtatrabaho sa ibang bansa.

Paliwanag ng kalihim, ia-upload ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang mga pangalan ng mga rehistradong OFW sa DOLE cloud, pagkatapos ay ida-download para ma-print.

Maaari rin daw na mag-log-in at gumawa ng kanilang account sa iDOLE.ph o ang iDOLE One-Stop Online Facility/Portal, na kasalukuyang isinasaayos upang ma-access ng OFW online ang kanilang mga record sa gobyerno na hindi na kinakailangang magpunta sa mga kinauukulang tanggapan ng pamahalaan bago sila ma-deploy.

Matapos ang pilot run, ang ID ang magsisilbing Travel Exit Clearance ng OFWs sa loob ng 2 taon mula nang ito ay ma-isyu sa kanila at hindi na nila kailangang magbayad ng travel tax at terminal fee.

Nagtataglay din daw ang ID ng QR code para sa security feature nito at pangangasiwaan ng APO Printing Unit ang paglilimbag nito. Ang APO Printing Unit din ang naglilimbag ng pasaporte ng Pilipinas.

Ang iDOLE ay proyekto ng DOLE sa pakikipagtulungan sa partner agencies na Social Security System, Development Bank of the Philipines, PhilPost at iba pa.

Read more...