Lalaki, patay matapos pagbabarilin sa Marikina

Kuha ni Mark Makalalad

Patay ang isang lalaki matapos itong tadtarin ng bala ng baril sa Fortune Avenue, Brgy. Fortune, Marikina City.

Labing apat na basyo ng bala ang natagpuan sa crime scene.

Kinilala ang biktima na si Orlando Lagunoy Jr. alyas Boying. Nakasuot ng kulay green na t-shirt, itim na shorts, tadtad din ito ng tattoo sa katawan.

Base sa salaysay ng barangay officer na si Danilo Gamban, pasado alas 5:00 ng umaga ng maganap ang pamamaril.

Hinabol umano ng hindi pa malamang bilang ng mga suspek ang biktima mula sa loob pa lamang sa looban ng Bonanza Phase hanggang sa tuluyang makorner dito sa isang bakanteng lote sa Fortune Avenue.

Hindi pa tukoy kung sino ang mga suspek sa likod ng pamamaril, ngunit hinala ng mga residente, maaaring ito ay ang mga sakay ng isang sasakyang nakitang umaaligid sa lugar kaninang madaling araw.

Nabatid naman ng mga otoridad na dati nang sumuko sa barangay ang biktima dahil sa paggamit ng ilegal na droga.

Read more...