Nilinaw ng Department of Health (DOH) na magiging epektibo ang nationwide smoking ban sa July 22 at hindi sa July 15 na unang naianunsyo.
Ayon kay DOH Assistant Secretary Enrique Tayag, kung pagbabatayan ang May 16 na petsa na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang executive order na nagbabawal ng paninigarilyo sa mga pampublikong lugar sa buong bansa, lalabas na bukas Sabado July 15 ang effectivity nito.
Pero nasa EO aniya na epektibo ang nationwide smoking ban animnapung araw matapos itong maisapubliko sa isang malaking pahayagan.
Noong May 23 ang naging publication ng EO kaya sa susunod na Sabado pa o July 22 ito ipapatupad.
Pero sinabi ni Tayag na pwede nang mag-practice ng hindi paninigarilyo sa public places.
Maglalabas anya ang DOH ng dagdag na paglilinaw ukol sa tamang petsa ng pagpapatupad ng nationwide smoking ban.