Naghain ngayon ng manifestation sa Korte Suprema ang ilang mga petitioner kaugnay sa martial law declaration ng pangulo sa Mindanao.
Base sa sampung pahinang manifestation na inihain ng abogado ng mga petitioner sa pangunguna ni dating Solicitor General Florin Hilbay, hiniling ng mga ito sa korte na resolbahin ang kanilang naunang petition for mandamus na inihain.
Ayon kay Hilbay dapat magpalabas ng writ of mandamus ang SC upang atasan ang Kamara at Senado magkaroon ng joint session at pag-aralan ang martial law sa Mindanao.
Sinabi nito na naghain sila ng manifestation dahil malapit ng matapos ang 60-day martial law subalit hindi pa nagsasagawa ng joint session ang kongreso.
Nakasaad sa manifestation na ang ikinonsidera lamang ng Supreme Court sa pagsasabing legal ang martial law declaration ng pangulo ay pinagbatayan nito ang mga information at data na available noong panahon ng declaration.
Dahil dito, maari anilang i-review ng kongreso ang deklarasyon ng martial law sa pamamagitan ng mga nakuhang impormasyon matapos ang deklarasyon at kung tama ang batayan na hawak ng pangulo na pinagbasehan ng martial law.
Para naman kay dating Akbayan Partylist Rep. Etta Rosales, isa sa petitioner na dapat utusan ng korte ang mga mababatas na magconvene para sa joint session dahil kinalimutan ng mga ito ang kanilang trabaho may kaugnayan sa martial law na naka saad sa Saligang Batas.
Kailangan aniyang malaman ng publiko sa pamamagitan ng mga mambabatas ang resulta ng pagsasailalim sa batas militar sa buong Mindanao.