Magkakaroon ng total traffic stoppage sa kahabaan ng EDSA pagpatak ng alas 4:00 ng hapon para sa isasagawa ng earthquake drill ngayong araw, July 14, 2017.
Ayon sa abiso ng Metropolitan Manila Development Authority, asahan na ng mga motorsita ang matinding pagsisikip ng traffic mamayang hapon dahil metro-wide ang gagawing shake drill.
Pahihintuin din ang lahat ng sasakyan sa EDSA pagsapit ng alas 4:00 ng hapon kung kailan kunwari ay tatama ang magnitude 7.2 na lindol.
Sa Guadalupe at sa Ortigas ang magiging sentro ng drills.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), titigil din sandali ang operasyon ng MRT at LRT kapag may hugyat na ng pagsisimula ng earthquake drill.
Sinabi naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na maari ding makaranas ng power at cell phone signal interruption ng aabot sa hanggang limang minuto.
Inaanyayahan ng pamahalaan ang publiko na makiisa sa nasabing drill maging ang mga nasa kani-kanilang mga tahanan lamang.