Ayon kay Presidential Communications Office Secretary Martin Andanar, sadyang nagta-trabaho ng husto si Duterte para sa bansa at mga Pilipino.
Sa katunayan aniya, ibinida ni Andanar na sa isang taong panunungkulan bilang presidente, aabot sa 1,355 na mga aktibidad ang dinaluhan ni Duterte.
Nasa 76 naman mula sa 115 rest days ang nagamit na ng pangulo.
Sinabi ni Andanar na doon sa 76 na araw, bagama’t naka-day off ay mayroong private meetings si Duterte.
Nakita rin aniya ng lahat kung gaano kasipag ang presidente at hindi tatamad-tamad.
Ayon kay Andanar, panay dalaw ng pangulo sa mga kampo-militar, at maging sa mga burol ng mga sundalo o pulis na nasawi sa trabaho o bakbakan.
Noong Hunyo, ilang araw na hindi nagpakita sa publiko at sa media si Duterte.
Kabi-kabilang espekulasyon ang lumutang tulad ng pagkakasakit umano nito.