Trillanes: Duterte takot mabisto kaya ibinalik sa pwesto si Supt. Marcos

Inquirer file photo

Naniniwala si Sen. Antonio Trillanes IV na ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang reinstatement ni Supt. Marvin Marcos para hindi nito ibunyag ang umano’y papel ng presidente sa pagkamatay ni Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr.

Sa isang pahayag, sinabi ni Trillanes na pinalaya si Marcos at ang kanyang mga tauhan, at pinabalik sa trabaho para makapatay muli nang ligtas sa parusa.

Dagdag ni Trillanes, natatakot si Pangulong Duterte na posibleng ibunyag ng mga naturang pulis ang pagkakasangkot umano nito sa Espinosa murder case.

Una nang inakusahan ni Trillanes si Marcos, kasama ang kanyang mga batchmate sa Philippine National Police Academy (PNPA) Class 1996 na bahagi ng tinatawag na “Philippine Death Squad” na nagsasagawa ng extrajudicial killings sa bansa.

Binanggit din ng senador ang naunang pag-amin ni Duterte na siya ang nag-utos kay PNP chief Dir. Gen. Ronald “Bato” Dela Rosa ng reinstatement ni Marcos matapos ma-relieve sa puwesto dahil sa umano’y pagkakasangkot sa illegal drug trade.

Isang linggo matapos ang naturang utos, napatay si Espinosa ng grupo ni Marcos.

Noong mga panahon na iyon, sinabi ng pangulo na nais lamang niyang bantayan ang mga galaw ni Marcos kung kaya’t pinababalik niya ito sa trabaho.

Read more...