Mindanao at droga sa Bilibid sentro ng SONA ni Duterte ayon sa Malacañang

Inquirer file photo

Ang Martial Law sa Mindanao at ang pagbabalik ng operasyon ng ilegal na droga sa New Bilibid Prisons o NBP ay ilan sa posibleng laman ng ikalawang State of the National Address o SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Presidential Communications Office Secretary Martin Andanar, hindi pa pinal ang ilalahad na ulat sa bayan ng punong ehekutibo.

Patuloy pa aniya ang pangangalap ng mga report mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Sinabi ni Andanar na hindi madali ito dahil malaki ang burukrasya, at may ilang ahensya na hindi mabilis ang pagrereport.

Gayunman, sinabi ni Andanar na may mga bagong isyung lalamanin ng SONA ni Duterte gaya ng batas militar sa Mindanao at ang resurgence o panunumbalik ng droga sa Bilibid na nabanggit ng pangulo sa isang talumpati nito kamakailan.

Sa July 24 ang ikalawang SONA ni Duterte, na gagawin sa Batasan Pambansa sa Quezon City sa ganap na alas-kwatro ng hapon.

Read more...