Iginiit ng Malakanyang na tanging si Pangulong Rodrigo Duterte at hindi si Philippine National Police o PNP Chief Ronald “Bato” dela Rosa ang makapag-papasya kung palawigin ba o babawiin na ang martial law sa Mindanao.
Inihayag ito ng Palasyo kasunod ng statement ni Dela Rosa na kailangang i-extend ang batas militar sa rehiyon.
Sa isang statement, sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na ilang beses nang binanggit ni Duterte na ang pagpapalawig sa martial Law ay dapat nakadepende sa assessment at rekomendasyon ng AFP at PNP.
Ayon kay Abella, sa kasalukuyan ay hinihintay pa nila ang report ng martial law implementors na kinabibilangan ng Secretary of National Defense at AFP Chief of Staff, bago gumawa ng aksyon si Duterte hinggil sa panukalang palawigin ang batas militar at suspensyon ng writ of habeas corpus.
Tiniyak naman ni Abella na pangunahing konsiderasyon ng commander-in-chief sa kanyang pagdedesisyon ay ang national interest.
Nais din aniya ng pangulo ang agarang restoration ng rule of law, peace and order, at kaligtasan ng mga mamamayan hindi lamang sa Marawi City kundi sa buong mundo.