Hirap ang lokal na pamahalaan ng Ormoc City na awatin ang mga residente sa pagbalik sa kanilang mga tahanan matapos ang malakas na magnitude 6.5 na lindol noong Huwebes at magnitude 5.8 na aftershock noong Lunes.
Ayon kay Ormoc City Mayor Richard Gomez, pinipigilan nila ang mga residente na magbalikan sa kanilang tahanan lalo na ang mga nasa landslide-prone areas.
Sinabi ng alkalde na maliban sa mga aftershock, ang patuloy na pag-ulan ay nagdudulot pa ng paglambot ng lupa kaya nakapagtatala pa sila ng mga insidente ng landslide.
Una nang sinabi ni Gomez na posibleng i-relocate nila ang mga residente mula sa apat na barangay sa lungsod dahil delikado ang kanilang kinaroroonan sa pagguho ng lupa.
Kahapon ay idineklara na ng city council ng Ormoc ang state of calamity.
Sa pamamagitan nito, sinabi ni Gomez na magagamit ng city government ang calamity fund para sa rehabilitasyon ng public buildings at mga eskwelahan na nasira dahil sa lindol.