Aabot sa 100 na mga silid-aralan ang sinira ng magnitude 6.5 na lindol noong nakalipas na linggo sa Ormoc City.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Ormoc City Mayor Richard Gordon na nagpasya ang kanilang city council na huwag na munang papasukin ang mga mag-aaral hangga’t hindi natatapos ang inspeksyon ng kanilang mga engineers sa lahat ng mga paaralan.
Kaninang tanghali ay isina-ilalim na sa state of calamity ang buong lungsod dahil sa lawak ng pinsala ng lindol na mas lalo pang pinalala ng mga malalakas na aftershocks.
Sa ngayon ay wala pa ring supply ng kuryente ang buong Ormoc City na siyang ring dahilan para kapusin sila ng malinis at maiinom na tubig.
Idinagdag pa ni Gomez na hindi na rin nila pababalikin sa kanilang mga tahanan ang mga residente nakatira sa mismong ibabaw ng mga aktibong fault lines sa Ormoc City.
Nanatili namang isa ang bilang ng casualty sa naganap na pagyanig bagaman marami pa rin ang nananatili sa mga ospital ayon pa sa nasabing opisyal.