Boy Saycon sa INC: “Sa inyo ang EDSA”

Kuha ni Jong Manlapaz

“Sa inyo ang EDSA!”-isa ito sa mga binitiwang salita ni Pastor “Boy” Saycon ng Council for Philippine Affairs sa kanyang pakikiisa sa kilos protesta ng Iglesia Ni Cristo sa Shaw Boulevard, EDSA.

Si Saycon na isa sa mga nasa likod ng pagpapatalsik kay dating pangulo Joseph Estrada noong 2001 ay nagsabing matanda na siya at ipinapasa na niya sa mga naroon sa EDSA ang diwa ng EDSA.

“Akin pong pinapakiusap, at di po ako nananawagan sa mga binging tao. Alam kong manininindigan kayo. You claim EDSA. EDSA is yours,” ani Saycon na sinalubong ng hiyawan ng mga kasapi ng INC.

Nilinaw ni Saycon na ang INC naman ay laging nakasuporta sa gobyerno at naniniwala silang ang batas ay dapat igalang ng lahat, at ang kanilang pagkilos ay pagpapaalala lamang para gawing patas ang pagsasakatuparan ng batas.

Sana aniya ay tiyakin ng gobyerno na naipatutupad nila ang kanilang mga sinumpa sa bayan, at isa doon ay ang pagbibigay ng hustisya para sa lahat.

Imbis na ubusin ang oras sa trial by publicity, ilaan na lamang ani Saycon ito sa pagbibigay hustisya sa mga Special Action Forces 44 na napaslang sa Mamasapano, Maguindanao.

Aniya, “Ang ipinaglalaban natin ay karapatan sa pananampalataya, hindi natin dinadaan sa dahas, kundi tinig ang ginagamit natin. Pinaparining natin sa pamahalaan na ang ginagawang paninira sa Iglesia ay matigilan na dahil may karapatan din tayo bilang Iglesia.”

Humiling din si Saycon sa iba pang mga mamamayan, mga kasapi ng kapulisan at sandatahang lakas, na samahan sila sa pagsigaw para sa katarungan dahil hindi lamang sila ang dapat na gumagawa nito kundi ang buong sambayanang Pilipino.

Dagdag pa niya, “Everytime there is a threat to democracy, ipaglaban niyo.Sana po, huwag kayong manlambot, mahaba pa po itong ating tatahakin,” ang panawagan naman niya sa mga kasapi ng INC.

Inaasahang darating din sa EDSA ang mga miyembro ng INC mula Quezon, Nueva Ecija, Zambales, Batangas at Pangasinan.

Maliban kay Saycon, ang tiyuhin ni Pangulong Benigno Aquino III na si Peping Coujuangco at asawa nitong si Tingting ay dumalo at nakiisa sa kilos protesta ng INC.

Ang mag-asawang Cojuangco at si Saycon ay mga kilalang supporters ni Vice President Jejomar Binay.

Read more...