Pangulong Aquino, nag-bilin na walang dapat manamantala sa protesta ng INC – Valte

Inquirer file photo

Isa sa mga mahigpit na bilin ni Pangulong Benigno Aquino III kaugnay sa protesta ng Iglesia Ni Cristo ay dapat siguruhin ng gobyerno, lalo na sa sangay ehekutibo na walang mananamantala sa sitwasyon.

Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, nais ng Pangulo na siguruhing walang makikinabang sa kasalukuyang sitwasyon sa INC lalo na ang para sa personal na interes ng sinuman.

Tumanggi namang magkomento si Valte tungkol sa mga pulitikong mistulang ginagamit ang mga hinaing ng mga miyembro ng INC, bagkus ay iginiit niya na ang pangunahing pinagtutuunan ng pansin ng gobyerno ay ang matinding trapikong dulot ng protesta.

Naunang naglabas ng pahayag si Vice President Jejomar Binay na hindi masisisi aniya ang INC kung kinailangan nilang magsagawa ng malawakang aksyon para protektahan ang kanilang pagkakasarinlan mula sa gobyerno at sa “clear act of harassment and interference” nito.

Sinundan din ito ng pahayag mula kay Senador Grace Poe na nagsasabing nauunawaan at na ayon sa karapatan sa relihiyon ng INC ang kanilang ginagawa.

Kaugnay dito, ani Valte ay hayaan na lamang ang mga taong apektado na humusga sa pahayag ni Binay gayundin ni Poe.

Ayon din kay Valte, nagpatawag ng emergency meeting si Pangulong Aquino noong Biyernes para pagusapan ang pagpapatuloy ng “vigil” ng mga miyembro ng INC na nagumpisa mula sa Department of Justice sa Maynila at napunta sa EDSA Ortigas at Shaw Boulevard.

Inatasan aniya ng Pangulo si DILG Sec. Mar Roxas na pulungin ang ilang mga opisyal ng mga lokal na pamahalaan at ang Philippine National Police.

Kaninang umaga naganap ang pagpupulong sa pagitan ni Roxas at nina Mandaluyong Mayor Benhur Abalos, Quezon City Mayor Herbert Bautista, PNP Chief Director General Ricardo Marquez at MMDA Chairman Francis Tolention tungkol sa seguridad sa nagaganap na protesta sa EDSA.

Partikular na pinasisiguro ng Pangulo ang kaligtasan ng publiko, hindi lamang ng mga kasama sa protesta kundi pati ng mga mamamayang bumabyahe at binabagtas ang EDSA.

Read more...