Libu-libong katao, nagprotesta sa Kuala Lumpur, Malaysia

AP Photo/Lai Seng Sin
AP Photo/Lai Seng Sin

Nag-protesta ang libu-libong mga aktibista sa Kuala Lumpur habang nakasuot ng dilaw na damit at nag-iingay gamit ang mga torotot para pababain sa pwesto ang kanilang Prime Minister na si Najib Razak.

Hindi napigilan ng mga pulis ang kilos protesta ng mga mamamayan kahit pa idineklara nang ilegal ang rally.

Maliban dito, nai-block na rin ng mga otoridad ang website ng organizers at ipinagbawal ang pagsusuot ng kulay dilaw at ang paggamit ng logo ng Bersih, ang coalition for clean and fair election na nasa likod ng protesta.

Nais pagbitiwin sa puwesto ng mga mamamayan si Najib dahil sa mga lumabas na dokumentong nagpapatunay na nakatanggap siya ng $700 million sa kaniyang mga private bank accounts mula sa mga hindi pinangalanang foreign donors na umano’y konektado sa state fund na 1Malaysia Development Berhad (1MDB).

Itinanggi ni Najib ang mga akusasyon sa kaniya na kumukuha siya ng pera mula sa pondo ng gobyerno, kaya tinanggal niya ang ilan sa mga deputy ministers na kumwestyon sa kaniya at maging ang attorney-general na nag-iimbestiga sa 1MDB. Nagsuspinde rin ng dalawang pahayagan ang mga otoridad at isang website na naglabas ng report tungkol sa 1MDB.

Bagaman hindi binigyan ng permit ng mga otoridad ng Kuala Lumpur ang nasabing rally, inaasahang magpapatuloy ito hanggang bukas, araw ng Linggo at hinikayat rin nilang magprotesta ang mga nasa lungsod ng Kota Kinabalu at Kuching.

Read more...