Tingting Cojuangco umaming kaisa ng INC sa kanilang mga hinaing sa EDSA

margarita-cojuangco
Inquirer file photo

Aminado si dating Philippine Public Safety College President Margarita “Tingting” Cojuangco na dumalo siya sa naganap na Iglesia ni Cristo (INC) rally kagabi sa EDSA Shrine kasama sina Pastor “Boy” Saycon ng Council on Philippine Affairs (COPA) at dating ZTE deal whistleblower na si Jun Lozada.

Tulad ng ibang sumali sa kilos-protesta, sinabi ng tiyahin ni Pangulong Noynoy Aquino na pumunta sya sa lugar para isulong ang hustisya sa mga miyembro ng Special Action Force ng PNP na napatay sa naganap na bakbakan sa Mamasapan Maguindanao noong Enero.

Bilang dating pinuno ng PPSC sinabi ni Cojuangco na parang mga anak na niya ang mga napatay na SAF members na hanggang ngayon ay hindi pa rin nabibigyan ng hustisya kung saan dalawa sa mga ito ay miyembro ng INC.

“Masakit para sa akin dahil hanggang ngayon ay mailap pa rin ang hustisya para sa napatay na itinuring ko na rin bilang mga anak”, ayon kay Cojuangco.

Sa panayam ng Radyo Inquirer binanggit din ng dating Tarlac Governor na maaga pa lamang ay may impormasyon na sya kaugnay sa magaganap na kilos-protesta kaya maaga siyang nag-handa sa naturang INC event.

“Sa kabuuan ay naging maayos at payapa ang rally at mamaya ay muli akong babalik sa EDSA para makiisa sa kanilang mga ipinaglalaban”,  dagdag pa ni Cojuangco.

Nilinaw din ng opisyal na walang plano ang mga nag-rally kagabi na lumusob sa Malacanang taliwas sa mga naglabasang mga ulat tungkol sa mga kaganapan kagabi sa EDSA Shrine.

Binanggit din ni Cojuangco na hindi siya sasama sa naturang kilos-protesta kung sakali mang may balak ang INC na pabagsakin ang kasalukuyang pamahalaan.

Read more...