Dexter Carlos ilalagay sa WPP ng DOJ

Photo: Usec. Balmes

Pinaplantsa na ng Department of Justice ang pagsasailalim sa Witness Protection Program o ng kagawaran sa Ama ng limang minasaker sa San Jose de Monte Bulacan.

Ayon sa DOJ, sa pagpunta ni Carlos sa kagawaran ay kanilang ipinaliwanag ang sakop ng WPP para maisailalim ito sa kanilang kostodiya na agad naman nitong tinanggap.

Bukod kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre, personal din na nakaharap ni Carlos si WPP Deputy Executive Director Nerissa Carpio.

Kapag naipasok sa Witness Protection Program, makatatanggap din si Carlos ng iba pang benepisyo na ipinagkakaloob sa isang indibidwal na nasa ilalim ng naturang programa ng DOJ.

Ayon kay Aguirre, marapat lang na tulungan si Carlos na makamit ang hinihingi nitong hustisya dahil masakit ang mawalan ng kapamilya lalo’t nangyari ito sa kamay ng mga kriminal.

Bago nito, una nang ipinag-utos ni Aguirre sa National Bureau of Investigation na magsagawa ng parallel investigation sa pagpatay sa pamilya ni Carlos.

Read more...