Pabago-bagong pahayag ng NPA, binatikos ni Duterte

Inquirer file photo

Tinuligsa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang New People’s Army (NPA) dahil sa aniya’y paiba-ibang utos nito sa kanilang mga tauhan.

Sa pagharap ni Duterte kahapon sa 1002nd Infantry Brigade sa Sarangani, sinabi ni Duterte na hindi na niya maintindihan ang mga pahayag ng NPA.

“Ang hindi ko talaga maintindihan, kung meron dito nakikinig na NPA, talagang sumasabog yung ulo ninyo,” ani Duterte.

Paliwanag ng pangulo, una ay sinabihan ng NPA ang mga tauhan nila na kalabanin ang mga pwersa ng gobyerno, ngunit pagkatapos nito ay magaalok naman ng tulong sa pamahalaan sa bakbakan, na kalaunan ay babalik na naman sa pakikipaglaban.

“First you directed your soldiers to fight, to engage us…government. Mayamaya nagsabi kayo tutulong kayo to fight alongside with government. Mayamaya nandito na naman fight na naman kayo despite of just really doing what you want to say or say what you want to do, ito ini-engkwentro na naman ninyo,” aniya.

Dahil dito ay diskumpyado na si Pangulong Duterte sa sinseridad ng mga komunistang rebelde.

Sa isang hiwalay na pahayag naman, sinabi ng pangulo na dapat ipagpatuloy ng pamahalaan ang peace talks sa mga komunista.

Ngunit aniya, umaasa siyang sa pagkakataong ito ay maging sincere na ang mga ito sa pakikipag-usap tungkol sa kapayapaan.

Read more...