Isinapubliko na kahapon ng Korte Suprema ang naging desisyon kaugnay sa mga tumututol at kumukwestyon sa naturang proklamasyon ng pangulo na nag-ugat sa sumiklab na kaguluhan sa Marawi City.
Ayon sa Supreme Court, may kapangyarihan si Duterte na isailalim ang buong bansa sa martial law kahit pa nasa isang partikular na lugar lamang nagaganap ang rebelyon na dahilan nito.
Paliwanag ng kataas-taasang hukuman, nasa kamay ni Duterte ang diskresyon kaugnay ng territorial scope ng martial law, na sa ngayon ay ipinaiiral sa Mindanao pa lamang.
Base pa sa desisyong nilagdaan ni Associate Justice Mariano del Castillo, bagaman pinahihintulutan ng 1987 Constitution ang Korte Suprema na siyasatin ang kapangyarihan ng pangulo na magdeklara ng martial law, hindi naman nila ito maaring limitahan.
Para sa Korte Suprema, makatarungan naman ang dahilan ni Duterte sa pagdedeklara ng martial law at pagsuspinde ng privilege of writ of habeas corpus dahil sa pagkubkob ng Maute Group sa Marawi City noong May 23.
Nakasaad rin dito na hindi lang practical kundi logical din ang ginawang proklamasyon lalo na’t nakasalalay dito ang territorial sovereignty ng bansa.
Anila pa, hindi na kailangan pang hintayin ni Duterte na umabot na sa bawat sulok ng bansa ang rebelyon bago siya magdeklara ng martial law, dahil tiyak na hindi naman ito ang nais iparating ng Saligang Batas.
Tungkulin anila din ng pangulo na panatilihin ang kapayapaan at kaligtasan ng publiko, at hindi lang ito limitado sa aktwal na pamamayagpag ng rebelyon, kundi pati na rin sa ibang aspeto kung saan posibleng lumawig ang pinangyayarihan ng mga karahasan.