Patay ang isang menor-de-edad matapos tambangan sa Bicol Extension, Brgy. Payatas, Quezon City.
Kinilala ang biktima na si Alwin Padilla, 17-anyos, nagta-trabaho bilang mangangalakal.
Ayon sa ilang nakasaksi, nasa 2nd floor ang biktima kasama ang isang kaibigan nang biglang pasukin ng tatlong armadong suspect na nakasuot ng bonnet at helmet.
Narinig na lamang umano ng mga kapitbahay na sumisigaw ang kaibigan ng biktima, at nagmamakaawang itigil ang pamamaril.
Ayon sa mga kamag-anak ni Padilla, nakakulong ngayon sa Camp Karingal ang nanay ng biktima dahil sa pagkakasangkot sa droga.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang malaman ang motibo sa likod ng pamamaril.
Samantala, sa Payatas pa rin, dalawa ang patay matapos tumakas sa checkpoint sa bahagi ng Molave St.
Ayon sa mga operatiba ng QCPD Station 6, nagkasa sila ng Oplan Sita, pero sa halip na tumigil, pinaputukan pa sila ng anim na lalaki na sakay ng tatlong motorsiklo.
Nagkaroon pa ng habulan at humantong sa kanto ng Lanzones at Payatas Road.
Dito na nagka-engkwentro ang mga pulis at tinamaan ang dalawang suspect, habang nakatakas naman ang dalawa pang riding-in-tandem.
Dinala sa East Avenue Medical Center ang mga suspect, pero idineklara ring dead-on-arrival.
Nakuha sa crime scene ang motorsiklo na sinakyan ng mga suspect, at isang caliber .38 na revolver.
Masuwerte namang walang tinamaan sa panig ng mga pulis.