Ayon kay Labor Sec. Silvestre Bello III, sa pagtatapos ng buwang ito ay hindi na kakailanganin ng mga overseas Filipino workers na kumuha ng Overseas Employment Certificate (OEC) bago sila umalis ng bansa.
Sa ilalim ng programang I-DOLE, maari na lang aniyang kumuha ang mga OFW ng kanilang OFW ID na kanilang magagamit sa halip na kumuha pa sila ng OEC.
Ani Bello, makukuha ito ng mga OFW sa pamamagitan ng pagpunta sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA).
Dagdag pa niya, inaasahang mailulunsad na ng kanilang kagawaran ang I-DOLE program sa kalagitnaan ng buwang ito, at maipatutupad na ang pagpapagamit ng OFW ID sa pagtatapos ng Hulyo.
Sa pamamagitan nito ay inaasahang mas mapapadali ang mga prosesong dinadaanan ng mga OFW bago sila tumungo sa ibang bansa para mag-hanapbuhay.
Libre namang makukuha ng mga OFW ang nasabing ID.