Nasukol ng mga tauhan ng Counter Intelligence Task Force (CITF) si Senior Insp. Cesar Espejo ng Police Community Precinct (PCP) 1, pati na ang anim na tanod ng Barangay West Bicutan.
Nakilala ang mga ito na sina Reggie Adrales, Bobby Tejero, Rolly Barcelo, Antonio Bontia, Antonio Bag-ao at Stephanie Villanueva.
Isinuko ng mga ito ang kanilang mga 9mm pistol at .45 na mga revolvers.
Ayon kay CITF director Chief Supt. Jose Chiquito Malayo, nahaharap ngayon si Espejo sa kasong kidnapping at extortion sa Department of Justice.
Ayon sa biktimang truck driver at kaniyang pahinante, hiningan umano sila ng mga suspek ng P30,000 kapalit ng kanilang kalayaan matapos silang arestuhin dahil sa mga gawa-gawang kaso na may kinalaman sa iligal na droga.
Dahil dito, nagsagawa ng entrapment operation ang CITF laban sa mga suspek.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Oscar Albayalde, umamin si Espejo na tumanggap siya ng P5,000 mula sa P30,000, habang ang iba pa ay napunta sa alyas “Big Boy.”
Iniharap na rin sina Espejo kay PNP chief Director Gen. Ronald dela Rosa.
Itinalaga muna sa Regional Police Holding and Administrative Unit ng NCRPO si Espejo bago ito ipadala sa Marawi City.
Pinagsisibak na rin ni Albayalde ang mga tauhan ng PCP 1 dahil naniniwala siyang matagal nang sangkot sa mga iligal na aktibidad ang mga ito.
Isasailalim ulit sa training ang mga pulis mula sa PCP 1 ng West Bicutan, habang papalitan sila ng iba pang mga pulis para hindi maantala ang operasyon ng presinto.
Samantala, kakasuhan naman ng kidnapping, usurpation of authority at illegal possession of firearms ang mga tanod.