Pinasalamatan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga tropa ng militar at pulis na nakikipagbakbakan sa grupo ng Maute sa Marawi City.
Sa isang recorded speech na inilabas ng Malacañang Lunes ng gabi, sinabi ng pangulo na kapuri-puri ang ipinapakitang tapang ng puwersa ng gobyerno upang mabawi ang Marawi City sa kamay ng Maute group.
Umaasa aniya siya na magpapatuloy ang ipinapakitang dedikasyon ng tropa ng gobyerno hangga’t hindi naibabalik ng kapayapaan sa lungsod.
Hinihimok ring ng pangulo ang mga sundalo na manatiling nakaalerto habang ipinaiiral ang martial law sa buong Mindanao upang hindi mamayagpag ang terorismo sa rehiyon.
Hiniling rin ng pangulo sa kanyang talumpati na alalahanin ng lahat ang mga nasawing sundalo at pulis sa nagpapatuloy na bakbakan sa lungsod.
Tiniyak rin ng pangulo sa mga pamilya ng mga nasawi at nasugatang sundalo sa bakbakan na lahat ng kanilang pangangailangan ay tutugunan ng pamahalaan.
“The nation will never neglect the heroes of our republic,” banggit ng pangulo sa kanyang talumpati.
Sa huling bahagi ng kanyang mensahe, binigyang-pugay ng pangulo ang mga sundalo at pulis na lumalaban sa Marawi sa pamamagitan ng isang saludo para sa mga ito.
“My salute goes to all of you there. Maraming salamat, mabuhay kayong lahat, hindi ko kayo kalilimutan, at hindi ko kayo pababayaan.” Pahayag ng pangulo sa huling bahagi ng kanyang mensahe.