Nadagdagan pa ang mga testigo sa nangyaring masaker sa San Jose del Monte, Bulacan noong nakaraang linggo kung saan limang miyembro ng pamilya ang napatay.
Ayon sa hepe ng San Jose del Monte City police na si Supt. Fitz Macariola, sa ngayon ay bineberipika pa nila ang mga pahayag ng tatlong bagong testigo na lumutang kamakailan lang.
Inaalam na aniya ng mga imbestigador kung magtutugma ang mga sinabi ng tatlong bagong testigo sa mga sinabi ng unang testigo.
Naniniwala naman si Macariola na malaki ang naitulong ng pabuyang inialok nina Bulacan Gov. Wilhelmino Sy-Alvarado at Mayor Arthur Robles sa paglutang ng mga testigo.
Nag-alok kasi ang mga lokal na opisyal ng P200,000 para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon tungkol sa nangyaring krimen.
Dalawang lalaki ang itinuturo ngayon ng mga bagong testigo na tinukoy lamang sa mga alyas na Tony at Inggo.
Ngayong araw isusumite sa prosecutor’s office ang mga salaysay ng mga bagong testigo.