Farhana at Cayamora Maute, posibleng itakas ng Maute Group

 

Hindi isinasantabi ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang posibilidad na sumalakay ang Maute Group sa mga piitan kung saan naroon ang magulang ng kanilang mga pinuno na sina Farhana at Cayamora Maute.

Ayon kay BJMP Dir. Serafin Barretto Jr., maaring magsagawa ng “rescue operation” ang Maute Group para itakas ang dalawa mula sa kanilang kustodiya sa Taguig City.

Tiniyak naman ni Barretto na babantayan nila ang mag-asawang Maute at na pipigilan nila ang anumang banta ng pagtatakas sa dalawa.

Samantala, nais rin ni Barretto na iparating sa mga kaanak ng mag-asawa na nasa mabuting kalagayan naman sina Farhana at Cayamora, at sa katunayan ay maswerte pa nga sila dahil bago at maluwag ang pinagkulungan sa kanila.

Kasama naman aniya sa kanilang binabantayan ay ang kalusugan ng mag-asawa, bukod pa sa mismong seguridad ng mga ito sa ilalim ng kanilang kustodiya.

Si Cayamora ay naaresto sa Davao City noong June 6, habang si Farhana naman ay naaresto noong June 9.

Hindi naman na nagbigay si Barretto ng iba pang detalye tungkol sa banta ng “rescue operation” ng Maute Group sa mag-asawa.

Read more...