Jeff Horn, panalo via unanimous decision

INQUIRER PHOTO

Nabigo si Pambansang Kamao Manny Pacquiao na maidepensa ang WBO welterweight champion title sa laban kontra kay Jeff Horn sa Brisbane, Australia.

Sa pamamagitan ng unanimous decision, tinalo ni Horn ang Filipino boxing champ.

Sa unang round ng laban, agad na naging malakas ang opensiba ni Horn habang pinag-aaralan pa ni Pacquioa ang kanyang mga magiging galaw laban sa mas matangkad na Australian boxer.

Nagawang magpaulan ni Horn ng mga suntok na tumatama sa iba’t ibang bahagi ng katawan ni Pacman, pero binalewala lamang ito ng Filipino boxing champ.

Bahagya pang naantala ang nasabing round matapos mahulog ang mouthpiece ni Horn.

Sa round na ito, nagawang atakihin ni Pacquiao ng two-hand combo si Horn.

Pagpasok ng ikaapat na round, dito na naging duguan si Horn matapos mabigyan ng uppercut ni Pacman at magkaroon ng sugat sa noo pero kita pa rin na kontrolado pa ng Australian boxer ang laban.

Sa ikalimang round, nanatiling agresibo si Horn kung saan nagawa nitong bigyan ng dalawang punch combo si Pacman.

Pero sa kabila ng mga natanggap na atake ni Pacquiao mula sa Aussie boxer, sa nasabing round napuruhan ang ilong ni Horn.

Sa sumunod na round, hindi pa rin natigil ang pagiging agresibo ni Horn sa kabila ng kanyang natamong sugat sa noo at ilong.

Sa round din na ito nagtamo ng sugat si Pacquiao sa kanyang hairline dahil sa accidental headbutt.

Isang solid right straight naman ang nagawa ni Horn kay Pacquiao.

Sa round 7 ng laban, napuruhan ang itaas ng kaliwang mata ni Pacquiao matapos bigyan ni Horn ng malakas na uppercut.

Dahil dito, nagsimula nang maging duguan ang mukha ng Pambansang Kamao.

Sa round 8 naman bumagsak si Horn, pero tinawag ito ng referee na isang slip.

Pagpasok ng round 10, nagsimula nang humina si Horn dahilan para mas makapag-paulan ni Pacquiao ng sunud-sunod na mga suntok.

Pero sa huling dalawang round, naibalik ni Horn ang kanyang lakas at nakabawi sa mga pag-atake ni Pacquiao.

Sa pinakahuling resulta ng laban, panalo si Horn at hawak na ang titulong WBO welterweight champion.

Read more...