Duterte, pumalpak sa unang taong panunungkulan ayon sa CPP

Bagsak ang grado ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang unang taong panunungkulan para sa Communist Party of the Philippines (CPP).

Sa inilabas na pahayag ng CPP, iginiit ng rebeldeng grupo na nabigo si Duterte na tuparin ang kaniyang mga pangakong pagbabago sa bansa.

Binanatan rin ng CPP ang diskarteng strongman ni Duterte, marahas na drug war at pagiging sunud-sunuran nito sa Amerika.

Dagdag pa nila, nagpapatuloy pa rin ang krisis sa sistema ng pamamahala sa unang taon ng termino ni Duterte.

Pinakawalan anila nito ang digmaan na nagdulot ng “death and destruction” dahil sa paggamit ni Duterte ng taktikang kamay na bakal at pamamaraan ng pasismo para lang mapagsilbihan ang mga mapagsamantala at dayuhang kapitalista.

Mariin ding tinuligsa ng CPP ang kabiguan umano ni Duterte na ipatupad ang seryosong reporma sa polisiya sa “social, economic and political fields,” sa kabila ng pag-giit ng pangulo na isa siyang socialist at sympathizer ng makakaliwang grupo.

Binatikos rin nila ang pagpayag ng pamahalaan na makialam ang Amerika sa laban kontra Maute Group sa Marawi City.

Una naman nang nilinaw ng Armed Forces of the Philippines at ng Palasyo na tanging techincal at intelligence support lamang ang itinutulong ng Amerika sa opensiba laban sa Maute Group.

Dahil sa mga pangakong napako, sinabi rin ng CPP na hindi titigil ang New People’s Army sa kanilang mga opensiba laban sa tropa ng pamahalaan.

Read more...