Kahapon, lumagda ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng isang kasunduan sa kung paano makapagsasagawa ng mga anti-illegal drug operations sa mga lugar na nasa ilalim ng impluwensya ng MILF.
Ayon kay PDEA chief Isidro Lapeña, magandang pahiwatig ang pagkakaroon ng isang protocol of cooperation sa pagitan nila ng MILF, na makakatulong pa lalo sa kampanya ni Pangulong Duterte laban sa iligal na droga.
Ani Lapeña, nag-alok ang MILF ng tulong sa pagsasagawa ng mga naturang operasyon sa mga MILF-influenced na lugar, kaya kailangan talaga nilang isama sa pagpaplano ang grupo.
Bagaman mayroong umiiral na mga mekanismo sa pagitan ng magkabilang panig sa pamamagitan ng Ad Hoc Joint Action Group (AHJAG), sinabi ni Lapeña na lalaktawan na nila ang ilan sa mga hakbang dito gamit ang nasabing protocol.
Ito ay upang mapabilis rin ang mga anti-drug operations sa mga lugar ng MILF.
Ang mahalaga ani Lapeña, nagkaroon ng tulungan, at pagpapakita ng suporta at tulong ang MILF na kanila naman talagang ikinalulugod.
Gagamitin naman aniya ang AHJAG mechanism para tiyaking walang mangyayaring miscommunication at miscoordination na posibleng mauwi sa mararahas na insidente.
Samantala, naniniwala naman si Department of the Interior and Local Government (DILG) officer-in-charge Catalino Cuy, na malaki ang maitutulong ng suporta ng MILF sa pagsawata ng pamahalaan sa mga operasyon ng iligal na droga.