Ayon kay US President Donald Trump, bigo at tapos na ang “era of strategic patience with North Korean regime.”
Inihayag ito ni Trump sa isang joint statement kasama si South Korean President Moon Jae-in.
Ani Trump, maituturing na isang “reckless and brutal regime” ang pamamahala ng gobyerno ng North Korea.
Partikular pang binanggit ni Trump ang nangyari sa isang Amerikanong college student na si Otto Warmbier, na agad nasawi matapos pakawalan ng North Korea mula sa kanilang kustodiya.
Iginiit ni Trump na isinusulong niya ang “peace, stability and prosperity” sa rehiyon, ngunit ipinaalala niyang laging dedepensahan ng US ang kanilang sarili at kanilang mga kaalyado.
Samantala, pinuri naman niya ang magandang ugnayan ng US at ng South Korea na nagsisilbi aniyang cornerstone ng kapayapaan at seguridad sa mapanganib na bahagi ng mundo.