Halos 100 Abu Sayyaf, napatay sa loob lamang ng anim na buwan ayon sa AFP

Umabot na 94 na mga miyembro ng Abu Sayyaf ang napatay, 66 ang nahuli, at 96 naman ang sumuko sa loob lamang ng unang anim na buwan ng kasalukuyang taon.

Ito ang resulta ng mga pinaigting na operasyon ng Joint Task Forces ng Western Mindanao Command simula pa noong Enero.

Ayon kay Lt. Gen. Carlito Calvez, Jr., maaaring mamuhay muli ng normal ang mga sumukong miyembro ng Abu Sayyaf.

Dagdag pa nito, bagaman matagumpay ang kanilang mga isinasagawang operasyon laban sa naturang teroristang grupo, hindi pa rin sila magapaka-kumpyansa at ipagpapatuloy pa rin nila ang kanilang pagtatrabaho upang maisaayos ang seguridad sa Mindanao at tuluyan nang malupig ang Abu Sayyaf.

Pinakahuling sumuko sina Serham Hasim Akkalun at Hapid Madjakin, kasabay ng pagsuko nila ng kanilang M1 Garand rifle at isang clip ng live ammunition, sa 13th Special Forces Company na nasa Barangay Guinanta, Albarka, Basilan kahaon ng hapon.

 

Read more...