Mahigit 2,000 undocumented OFWs sa Saudi, naghihintay pa rin ng plane tickets para makauwi sa bansa

DSWD Photo

Naghihintay pa ang mahigit dalawang libong undocumented OFW sa Saudi Arabia ng kanilang plane ticket para makauwi na sa Pilipinas.

Ito’y makaraang mapauwi na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang kabuuang 5,576 Pilipinong manggagawa na nagtatrabaho sa Saudi Arabia nang walang papeles sa pagtatapos ng amnesty program na ipinatupad ng gobyerno ng Saudi.

Ayon kay Labor Undersecretary Dominador Say, ang karagdagang dalawang libong OFW na mula sa Jeddah at Riyadh ay naisyuhan na umano ng exit visa at travel documents.

Aabot naman sa mahigit 12,000 Pilipino ang naghayag ng interes na sumailalim sa amnesty program pero hindi lahat ay qualified dahil sa mga nakabinbing kaso.

Sa kabila naman ng pagtatapos ng amnesty program, hihiling pa rin ng tulong si Labor Secretary Silvestre Bello sa Saudi Arabia para sa mga OFW na hindi kwalipikado sa programa.

Ayon kay Bello, umaasa siya na mabibigyan ng pardon o anumang tulong ang mga nasabing OFW.

Samantala, ang mga napauwing OFW ay binigyan naman ng agarang ayuda ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA kabilang na ang psycho-social counselling, stress debriefing at medical referral.

 

 

 

 

 

Read more...