Naglalagay ng panibagong mga pasilidad ang China sa pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea.
Ito ang inihayag ng isang US think tank base sa pinakabagong satellite images sa mga isla na kabilang sa territorial dispute.
Ayon sa Asia Maritime Transparency Initiative (AMTI) na bahagi ng Center for Strategic and International Studies ng Washington, nakita sa mga bagong satellite images ang mga missile shelters at radar and communications facilities na itinatayo sa Fiery Cross, Mischief at Subi Reefs sa Spratly Islands.
Ang nasabing mga satellite image ay kuha noong May 4, June 16 at June 19, 2017.
Ayon sa AMTI, base sa mga larawan, nagdagdag ang China ng apat na shelters sa Fiery Cross.
Pinapalawak din ng China ang communications at radar capabilities nito sa nasabing artificial islands.
Makikita sa larawan ang napakalaking antennae array na inilalagay sa outpost sa southern side ng Mischief Reef na posibleng gamitin umano ng China para mas mapalakas ang kakayahan nitong i-monitor ang mga aktibidad sa lugar.
Ayon sa ulat ng AMTI, ang hakbang na ito ng China ay dapat na ikabahala ng Pilipinas dahil napakalapit lamang ng Mischief sa Palawan, Reed Bank at Second Thomas Shoal.
Sa southern portion naman ng Fiery Cross may nakita ring inilalagay na malaking radar system at mas maliit na radar malapit sa shelters sa Mischief.
Una nang binatikos ng Estados Unidos ang pagtatayo ng military facilities ng China sa ginawa nitong artificial islands na maari umanong gamitin ng nasabing bansa para ipagbawal ang free movement o malayang paglalayag sa South China Sea.
Noong nakaraang buwan, naglayag ang isang US Navy warship sa 12 nautical miles ng Mischief Reef.